dzme1530.ph

Kontratista ng mga umano’y ghost flood control projects, posibleng maharap sa 42 kaso ng plunder

Loading

Binalaan ang may-ari ng Wawao Builders ni Senate Blue Ribbon Committee chairman Rodante Marcoleta na posibleng maharap sa 42 kaso ng plunder dahil sa mga umano’y anomalya sa mga proyekto nito.

Sa pagdinig ng komite, hinimok ni Marcoleta si Mark Allan Arevalo, may-ari ng Wawao Builders, na magsalita at tumulong sa imbestigasyon sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga opisyal na sangkot sa anomalya.

Ito ay sa gitna ng impormasyon na aabot sa 42 ang proyekto ng Wawao na karamihan ay nasa Bulacan at mahigit P50 milyon ang halaga ng bawat isa.

Ilang ulit ding tinanong si Arevalo kaugnay ng mga proyekto, ngunit ilang beses din niyang iginiit ang kanyang right against self-incrimination.

Samantala, lumutang din sa pagdinig ang modus umano ng negosyanteng si Sarah Discaya sa pamamagitan ng paglahok ng siyam niyang kumpanya sa bidding ng government projects.

Sa pagtatanong ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada, inamin ni Discaya na may pagkakataon na naglalaban-laban sa bidding ang kanyang mga kumpanya.

Sinabi ni Estrada na nangahulugan ito na kahit anong kumpanya ang manalo ay proyekto pa rin ito nina Discaya na para kay Senador Erwin Tulfo ay bidding-biddingan.

About The Author