Bukas si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pakikinig sa mga makatwirang mungkahi ng mga Duterte kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects sa bansa, ayon sa Malacañang.
Sa isang pahayag, sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na patuloy ang Pangulo sa paggawa ng paraan upang maresolba ang mga isyung kaakibat ng mga proyekto.
Binigyang-diin ni Castro na ang mga komentong walang kasamang konkretong solusyon ay hindi nakatutulong sa bayan.
Idinagdag pa nito na mas makabubuti kung ihahayag ng mga Duterte sa publiko ang estado ng 13,917 flood control projects mula sa nakaraang administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, upang malaman kung ang mga ito ay umiiral, nagagamit, at epektibo laban sa baha.