Malaking hamon ang kinakaharap ni Sec. Vince Dizon sa paglipat nito sa Department of Public Works and Highways (DPWH), kapalit ng nagbitiw na si Sec. Manny Bonoan.
Ayon kay Senate President Francis “Chiz” Escudero, bagama’t mabigat ang hamon, oportunidad din ito para kay Dizon na magpatupad ng mga kinakailangang reporma sa ahensya.
Ipinaliwanag nito na hindi lamang pagsugpo sa katiwalian ang dapat tutukan, kundi ang pagtiyak na ang lahat ng proyekto ng DPWH ay para sa kapakinabangan ng taumbayan.
Ayon naman kay Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada, inaasahan nitong matutuldukan na ang mga iregularidad sa pagpapatupad ng mga proyekto sa pamumuno ni Dizon.
Samantala, bagama’t nanghihinayang si Estrada sa pagbibitiw ni Bonoan dahil sa kanyang karanasan, naniniwala naman si Sen. Panfilo Lacson na “good choice” si Dizon para palitan ito.
Nagpahayag din ng kumpiyansa si Sen. Sherwin Gatchalian na mabibigyang-pansin ni Dizon ang pagpapanagot sa mga tiwaling opisyal at kontratista.
Sinabi naman ni Sen. Erwin Tulfo na sa dami ng anomalya sa flood control projects, kailangan ng isang kalihim na agresibo at hindi natutulog sa ebidensya.
Dagdag pa ni Senate Majority Leader Joel Villanueva, magagamit ni Dizon sa DPWH ang kanyang “no-nonsense approach” sa pamumuno.
Umaasa rin sina Senators Loren Legarda at JV Ejercito na maisusulong ni Dizon ang transparency sa ahensya.