dzme1530.ph

Magkakaparehong halaga ng flood control projects, ‘code’ sa komisyon —Lacson

Loading

Naniniwala si Sen. Panfilo “Ping” Lacson na nagsisilbing “code” ng mga tiwaling opisyal ang magkakaparehong halaga ng flood control projects para matukoy kung sino ang kukuha ng komisyon.

Ipinaliwanag ni Lacson na nagiging palatandaan ang halaga ng proyekto kung sino ang nagsulong nito sa panukalang budget at kung sino ang makikinabang dito.

Ginawa nito ang pahayag kasunod ng pagbubunyag ni Senate Committee on Finance Chairman Sherwin Gatchalian na may mga proyekto sa ilalim ng 2026 National Expenditure Program na pare-pareho ang alokasyon, bagay na maituturing umano na red flag.

Isiniwalat din ni Lacson na matapos ang halalan, may tumawag sa staff ni Senate Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at nag-alok na magpasok ng insertion sa NEP, pero tinanggihan ito ng senador.

Dagdag ni Lacson, dapat masilip ang ganitong sistema para matigil ang katiwalian. Sa budget hearing na magsisimula ngayong araw, tututukan ng senador ang transparency at accountability, borrowing at disbursement, pagbibigay-prayoridad sa education sector, partisipasyon ng regional development council, at probisyon sa unprogrammed fund.

Kasabay nito, sinagot ni Lacson ang alegasyon ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Rodante Marcoleta na pinakikialaman nila ang kanyang mandato. Nilinaw nito na ayaw niyang makipagbangayan, subalit handa ito kung aawayin sila ni Marcoleta.

About The Author