Iminungkahi ni Sen. Erwin Tulfo na pag-isipan ng Pilipinas kung itutuloy pa ang pagsunod sa One-China Policy, kasunod ng patuloy na pangha-harass ng China sa West Philippine Sea (WPS).
Sa pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations, iginiit ni Tulfo na habang iginagalang ng bansa ang posisyon ng China hinggil sa Taiwan, kabaligtaran naman at tuloy-tuloy ang pambubully nito sa ating teritoryo.
Tila langgam na aniya ang turing ng China sa Pilipinas dahil kahit tambak na ang protesta natin sa kanila ay patuloy lamang nilang binabalewala.
Binigyang-diin pa ng senador na bagama’t sumusunod din ang Estados Unidos sa One-China Policy, hindi naman sila nakararanas ng pambu-bully, taliwas sa Pilipinas na patuloy na hina-harass at hindi iginagalang partikular sa WPS.
Sinabi naman ni Sen. Imee Marcos na halos wala nang epekto ang daan-daang diplomatic protests na inihain ng bansa laban sa China.
Nanindigan naman si Foreign Affairs Sec. Ma. Theresa Lazaro na nananatiling pangunahing sandata ng gobyerno ang diplomasya.
Ipinaliwanag nito na mahalaga ang mga diplomatic protests bilang bahagi ng dokumentasyon na maaaring magamit sa mga kasong internasyonal, gaya ng arbitral ruling.