Inamin ni PNP Forensic Group Director Police Brig. Gen. Danilo Bacas na wala pang nagma-match sa DNA testing ng mga buto na nakuha sa Taal Lake at sa mga kaanak ng mga nawawalang sabungero.
Sa briefing ng House Committee on Human Rights, inusisa ni Batangas Rep. Gerville Luistro kung may tumugma na sa DNA ng mga buto at kaanak ng nawawalang sabungero.
Ayon kay Bacas, 29 sa 34 na nawawalang sabungero ang nakapagsumite ng DNA samples, ngunit wala pang tumutugma. Mula sa 401 buto na nakuha sa lawa, 163 samples ang naisailalim na sa DNA testing at 45 dito ay may resulta na, ngunit wala pa ring tugma.
Dagdag pa ni DOJ Assistant Secretary Eliseo Cruz, hindi pahihinain ng resulta ng DNA testing ang kanilang imbestigasyon dahil may higit 300 samples pa ang isasailalim sa pagsusuri.
Aminado rin ang DOJ official na may ilang kaanak ng mga sabungero ang hindi nakikipagtulungan dahil umano sa naging bayaran.