Susuriin ng Bureau of Customs (BOC) ang pagbabayad ng duties at taxes sa ini-import na luxury car collection ng mag-asawang Sarah at Curlee Discaya, mga government contractor na nakatanggap ng ₱31.5 bilyon para sa flood control projects sa bansa.
Inamin ng mag-asawa na may-ari sila ng 40 luxury cars, bagay na tinukoy ng BOC bilang “red flag.”
Ayon kay BOC spokesperson Vincent Philip Maronilla, kailangan ng masusing pagbusisi sa deklarasyon ng duties at taxes at sisiguraduhin kung tugma sa customs regulations.
Bilang parte aniya ng proseso, makikipag-ugnayan ang BOC sa Land Transportation Office upang beripikahin ang certificate of payment ng mga sasakyan at i-cross-check ito sa kanilang records.
Dagdag pa ni Maronilla, kasama ring susuriin ang iba pang importasyon ng mag-asawa gaya ng artworks, gayundin ang kanilang mga kumpanya upang matukoy kung accredited brokers ang mga ito at kung ano ang kanilang inaangkat.