Inamin ng Department of the Interior and Local Government na isa sa mga dahilan ng pagsibak kay Police General Nicolas Torre III bilang PNP chief ay ang ipinatupad niyang balasahan sa organisasyon.
Nang tanungin si DILG Secretary Jonvic Remulla kung may kinalaman ang reshuffle sa pagsibak kay Torre, sinabi ng kalihim na kabilang din ito sa mga ikinonsidera ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Dagdag ng kalihim, mahirap ang naging desisyon ng pangulo subalit kailangan, at ginawa ito sa ngalan ng “national interest.”
Una nang inatasan ng National Police Commission (NAPOLCOM) si Torre na bawiin ang ipinatupad niyang reassignment sa ilang mga opisyal ng pulisya.
Ang balasahan ay kinapapalooban ng matataas na opisyal, kabilang si Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., na second in command sa PNP, at ni-reassign ni Torre sa Mindanao.
Kanina ay nanumpa si Nartatez bilang Officer-in-Charge ng PNP.