Ikinasiya ng ilang lider ng Kamara ang inilabas na OCTA Research survey na nagpapakitang hindi pinagkakatiwalaan ng mga Filipino ang China.
Batay sa OCTA Tugon ng Masa survey, 85% ng mga Filipino ay walang tiwala sa China, 74% ang nagsabing malaking banta ang China sa Pilipinas, habang 76% ang sumusuporta sa maritime entitlements ng bansa sa West Philippine Sea.
Para kina Deputy Speakers Paolo Ortega V at Jay Khonghun, kasama si House Deputy Majority Leader Zia Alonto Adiong, ang survey results ay isang “resounding call for unity and action” para protektahan ang soberanya ng Pilipinas.
Tinukoy sa survey ang aggressive acts ng Beijing sa WPS, pagpasok ng smuggled goods, at mga krimeng kinasasangkutan ng mga Chinese nationals bilang mga dahilan ng kawalan ng tiwala.
Ayon sa House leaders, napakalinaw ng mensahe na hindi pinagkakatiwalaan ng mga Pilipino ang China, at nais nilang ipaglaban ng mga lider ang West Philippine Sea.
Anila, ito ay mandato mula mismo sa taumbayan na dapat tugunan ng pamahalaan nang may tapang, paninindigan, at pagkakaisa.