Nagbabala si Sen. Risa Hontiveros hinggil sa panibagong banta sa pambansang seguridad.
Ito ay matapos maaresto ng Bureau of Immigration ang negosyanteng si Joseph Sy, isang “Filipino-Chinese” executive na umano’y nagkunwaring Pilipino gamit ang mga pekeng dokumento.
Si Sy, na chairman ng mining company na Global Ferronickel Holdings, Inc., ay natuklasang nakapasok pa sa Philippine Coast Guard (PCG) Auxiliary noong 2018 at nakatanggap ng honorary rank sa ilalim ng nakaraang administrasyon.
Sinabi ni Hontiveros na mistula itong Alice Guo Part 2 dahil nagpapanggap na Pilipino, may pekeng passport, at mga pekeng ID.
Ibinunyag din ni Hontiveros na noong state visit ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa China noong 2016, nakipag-partner ang kumpanya ni Sy sa Baiyin Nonferrous Group Co., Ltd., isang state-owned enterprise ng China para sa pagmimina sa Palawan.
Nanawagan ang mambabatas na agad imbestigahan ng Senado ang background, koneksyon, at proseso kung paano nakuha ni Sy ang mga dokumento niya bilang Pilipino, kabilang ang mga taong maaaring nagbigay-daan sa kanyang panlilinlang.