Nanawagan si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na i-certify bilang urgent ang Senate Bill No. 1182 o ang proposed Agriculture and Fisheries Extension Act of 2025, na naglalayong i-institutionalize ang extension services para sa mga magsasaka at mangingisda.
Layunin ng panukala na matiyak ang kaunlaran sa kanayunan at mapabuti ang kabuhayan sa sektor ng agrikultura. Binibigyang-diin nito ang kahalagahan ng agricultural extension services sa probinsya at munisipalidad, pati na rin ang pagpapalakas ng mga agricultural cooperatives.
Bilang isang farmer-CEO na may higit isang dekadang karanasan sa pagpapatakbo ng sariling sakahan sa Alfonso, Cavite, inilahad ni Pangilinan ang personal niyang karanasan sa kakulangan ng access sa serbisyo ng gobyerno.
Ayon sa senador, ang pinakamalapit na regional office ng Department of Agriculture ay nasa Lipa, Batangas, mahigit tatlong oras ang layo, kaya maraming magsasaka at mangingisda ang hindi agad nakatatanggap ng kritikal na tulong gaya ng pautang, subsidiya sa abono at pestisidyo, teknikal na pagsasanay, at iba pa.
Inaasahan na sa pamamagitan ng panukala, mas magiging standard ang extension services sa buong bansa at makatutulong sa modernisasyon at pangmatagalang kaunlaran ng sektor ng agrikultura at pangisdaan.