dzme1530.ph

Mga scientist, gamitin sa pagbuo ng solusyon kontra pagbaha

Loading

Hinimok ni Sen. Bam Aquino ang pamahalaan na gamitin ang husay ng mga Pilipinong siyentista sa pagbuo ng siyentipikong solusyon laban sa pagbaha.

Kasabay nito, nanawagan ang senador na i-redirect ang malaking bahagi ng pondo tungo sa climate resiliency projects na makapagliligtas ng buhay at makapagbibigay proteksyon sa mga komunidad.

Bilang chairperson ng Senate Committee on Science and Technology at vice chairperson ng Senate Committee on Finance, iginiit ni Aquino na dapat mamuhunan ang gobyerno sa integrated at scientific approach upang tugunan ang sanhi ng pagbaha, mula sa imprastraktura hanggang sa epekto ng climate change, sa halip na magwaldas ng bilyon-bilyong piso sa mga proyektong flood control na madalas ay hindi epektibo.

Binigyang-diin ng senador na dapat ilaan ang pondo ng mga kwestiyonable at palpak na flood control projects sa mga programang makatutulong sa pangmatagalang proteksyon, gaya ng climate-resilient infrastructure, mangrove reforestation, watershed rehabilitation, at mas maayos na urban planning.

Binanggit pa ni Aquino na sa kabila ng ₱1.47-T na inilaan para sa flood control mula 2009 hanggang 2024, nananatiling suliranin ang mahihinang drainage systems, palpak na flood measures, luma at di-umangkop na pumping stations, at kakulangan sa community-based flood risk management.

Muling iginiit ng senador na dapat ilaan ang malaking bahagi ng flood control budget para sa pagpapatayo ng mga silid-aralan sa pampublikong paaralan upang masolusyunan ang kakulangan.

About The Author