Lusot na sa House Committee on Housing and Urban Development ang tatlong panukala na nakatuon sa housing program para sa mga pamilyang Pilipino.
Ayon kay Cavite 2nd Dist. Rep. Lani Mercado-Revilla, isa sa mahalagang pundasyon ng malusog na pamilya ay ang pagkakaroon ng maayos na tirahan.
Sa kanyang inakdang House Bill No. 255 o Rental Housing Subsidy Program Act, layon nitong bigyan ng rental housing subsidy ang mga displaced informal settler families (ISFs) sanhi ng eviction, demolition, natural disasters, o proyekto ng gobyerno. Sino mang qualified beneficiary ay makatatanggap ng P3,500 monthly rental subsidy bilang karagdagan sa pambayad sa upa hanggang mabigyan ng permanent resettlement.
Ang HB No. 2333 o Improving the Delivery of Socialized Housing Program ay naglalayong amyendahan ang Urban Development and Housing Act of 1991.
Nais ni Mercado-Revilla na palawakin ang land acquisition, palakasin ang balanced housing requirements, at bigyan ng incentive tulad ng tax exemption at mas magaan na permit ang mga private developers.
Ikatlo, ang HB No. 419 o Sustainable Cities. Sa ilalim nito, titiyakin na lahat ng ide-develop na komunidad at siyudad sa bansa ay guided ng urban renewal at spatial justice upang isulong ang multiple land use at maiwasan ang forced eviction, displacement, at gentrification o maunlad na kapitbahayan.