dzme1530.ph

Rep. Chua bumuwelta kay Mayor Isko ukol sa ‘walang permit’ na pasilidad

Loading

Bumuwelta si Manila 3rd District Rep. Joel Chua sa paratang ni Mayor Isko Moreno kaugnay ng itinatayong pasilidad na umano’y walang permit.

Giit ni Chua, pawang kasinungalingan ang mga paratang ni Moreno dahil ang “Sentro Kumunidad de Sta. Cruz” ay isang makabuluhang proyekto para sa mga residente.

Inakusahan pa ng kongresista si Moreno na nagpapasikat, nagda-drama, at umeeksena lamang nang sumugod ito kahapon sa lugar kasama ang mga vloggers. Aniya, layon lamang ni Moreno na siraan siya at lituhin ang mga taga-3rd District para hadlangan ang isang legal na proyekto.

Paliwanag ni Chua, legal ang pagpapatayo ng “Sentro Kumunidad de Sta. Cruz” dahil pinondohan ito ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa bisa ng General Appropriations Act (GAA). Dagdag nito, hindi pa siya kongresista nang simulan ang proyekto noong 2020, ngunit nahinto ito dahil kinapos ng pondo.

Nang maupo siya noong 2024 bilang kinatawan ng 3rd District, muli niyang ipinaglaban sa DPWH at Department of Budget and Management (DBM) na mabigyan ng pondo ang proyekto kaya naituloy ang konstruksyon.

Layon ng proyekto na maitayo ang isang four-storey community center na may day care center, library, sports facilities, dialysis center, halfway house para sa homeless, senior citizens office, at evacuation center.

Dismayado umano si Chua sa inasal ni Moreno at binanatan pa ito sa paggamit umano ng tinawag niyang “pwersa ng kasamaan o Isko-DDS forces sa Maynila” para lamang sa “easy headline” at vlog content.

About The Author