dzme1530.ph

Iba pang senador, suportado ang isinusulong na imbestigasyon ni Sen. Lacson sa mga maanomalyang flood control projects

Loading

Umani ng suporta sa kaniyang mga kasamahan si Sen. Panfilo Lacson matapos ang kanyang privilege speech kaugnay sa mga maanomalyang flood control projects.

Ilan sa mga tinukoy na kuwestiyonable, iregular at guni-guning proyekto ay matatagpuan sa mga lalawigan ng Bulacan, Pampanga at Oriental Mindoro.

Sinabi ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na maituturing na ginahasa ang flood control projects partikular sa kanyang lalawigan na napondohan ng ₱14-B.

Sa kaniya namang pagpuri kay Lacson, naghamon si Sen. Juan Miguel “Migz” Zubiri na pangalanan ang mga senador at kongresista o sinumang naglagay ng pondo sa mga substandard at ghost flood control projects.

Dapat din aniyang abutin ng pagsisiyasat ang mga ghost at palpak na mga proyekto sa Bicol partikular sa lalawigan ng Albay.

Iginiit naman ni Sen. Loren Legarda na hindi lamang batas at pagpapanagot ang solusyon sa problema sa katiwalian sa mga proyekto kundi dapat mabago na ang kultura tulad ng pagtanggap na lamang kapag may natuklasang korapsyon.

Para naman kay Sen. Raffy Tulfo, grand robbery ang ginawa ng mga tiwali kaya dapat silang papanagutin.

Nakakalula naman para kay Sen. Risa Hontiveros ang nabunyag na katiwalian kung saan lumilitaw din na 20% ng kabuuang budget ang nalulustay o katumbas ng ₱16-T na maaari sanang ipamigay sa bawat Pilipino.

About The Author