Bagama’t hindi maganda ang panahon, nakahanda pa rin ang iba’t ibang aktibidad ngayong araw, August 21, 2025, kasabay ng pagdiriwang ng Ninoy Aquino Day. Bahagi ito ng ika-42 taong anibersaryo ng kamatayan ni dating Sen. Benigno “Ninoy” Aquino Jr..
Dakong alas-8:00 ng umaga sa NAIA, isinagawa ang wreath-laying ceremony na pinangunahan ng National Historical Commission of the Philippines at Manila International Airport Authority.
Inaasahan naman mamaya ang pagbisita ng ilang kaanak at supporters sa mismong puntod ng dating senador sa Manila Memorial Park.
Sa bahagi naman ng Chino Roces sa Makati, inaasahan din ang maiksing programa na ikakasa ng iba’t ibang grupo na sumusuporta sa dating senador.
Si Aquino ay kilalang lider ng oposisyon noong panahon ng Batas Militar.
Sa huling bahagi ng seremonya, nagbigay mensahe si Sen. Bam Aquino na ilan sa mga ipinaglaban ng kaniyang tiyuhin noong panahon ng Martial Law ay patuloy pa rin ipinaglalaban ng iba’t ibang grupo para sa patas na batas sa lahat ng Pilipino.