dzme1530.ph

Suspensyon sa ilang kawani ng DPWH, nakaamba sa gitna ng isyu ng ghost flood control projects

Loading

Nangako si DPWH Sec. Manuel Bonoan na maglalabas siya ng preventive suspension order laban sa ilang kawani ng ahensya sa sandaling makumpleto nila ang imbestigasyon sa ghost flood control projects.

Sinabi ni Bonoan na nagpadala na sila ng technical and financial audit team na magva-validate sa mga ulat ng ‘ghost flood control projects’, partikular sa lalawigan ng Bulacan.

Sa tantiya ng kalihim, posible itong mangyari ngayong buwan ng Agosto.

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kahapon, kinumpirma ng kalihim na nakarating na sa kaniya ang ulat ng pagkakaroon ng ‘ghost’ flood control projects, lalo na sa first engineering district office ng Bulacan.

Inaasahan aniya nitong sa susunod na linggo ay matatanggap na nila ang report tungkol dito.

Sakali aniyang may mapatunayang ghost project ang mga proyekto, tiyak na pananagutin nila ang sinumang sangkot dito.

Kinumpirma rin ng DPWH Secretary na na-relieve na niya sa pwesto si dating Bulacan 1st District Engineer Henry Alcantara na dapat sana ay for promotion.

About The Author