Naniniwala si Sen. Erwin Tulfo na hindi makatwirang pagbitiwin si DPWH Secretary Manuel Bonoan sa gitna ng kontrobersya at imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects.
Ipinaliwanag ni Tulfo na hindi ang kalihim ang problema at sa halip ay naging sistema na ito sa mga opisyal sa ilalim ng kanyang pamunuan tulad ng undersecretaries, regional directors, district engineers, at contractors.
Idinagdag pa ni Tulfo na limitado rin ang kakayahan ng kalihim na personal na masubaybayan ang lahat ng proyekto sa iba’t ibang lugar.
Umaasa lamang anya si Bonoan sa mga report ng regional directors at district engineers subalit maaari itong maloko kung magsisinungaling ang mga ito.
Sa kabilang dako, aminado ang mambabatas na posibleng maipatupad ang prinsipyo ng command responsibility dahil patuloy ang mga alegasyon ng katiwalian sa mga proyekto ng DPWH.
Umaasa naman ang mambabatas na tutuparin ng kalihim ang pahayag na magpapatupad ng reshuffle sa mga district engineers dahil hindi matitigil ang katiwalian sa mga flood control projects.
Gayunman, nasa kamay pa rin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung hahayaang manatili sa pwesto si Bonoan.