dzme1530.ph

Pagsasabatas ng Living Wage Bill, napapanahon na

Loading

Iginiit ni Sen. Loren Legarda ang pangangailangang ipasa na ang panukalang Living Wage Act na nagsusulong ng kinakailangang reporma sa Labor Code na hindi na nabago sa loob ng 36 na taon.

Sa Senate Bill no. 163, ipinanukala ni Legarda ang pag-amyenda sa Article 124 ng Labor Code, upang itakda ang minimum wage sa bawat rehiyon na katumbas ng living wage o ang kita na kailangan ng mangagawa para sa sapat na pagkain, tirahan, kalusugan, edukasyon, at disenteng pamumuhay.

Base ang depenisyong ito ng living wage sa International Labour Organization na kinikilala ngayon para sa pandaigdigang pamantayan ng paggawa.

Bagamat kasama sa Republic Act No. 6727 ang konsepto ng living wage, hindi pa rin anya sapat ang pagpapatupad dito.

Sa panukala ni Legarda, pinapaigting ang mandato sa paggawa ng living wage bilang baseline sa pagtukoy ng regional minimum wage gamit ang transparent, batay-sa-datos, at konsultatibong pamamaraan.

About The Author