Tatlo sa bawat apat na local government units (LGUs) sa buong bansa ang pinagkalooban ng patient transport vehicles (PTVs), at madaragdagan pa ito, bilang bahagi ng hakbang ng pamahalaan na palakasin ang emergency healthcare system sa Pilipinas.
Pahayag ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nang pangunahan niya ang turnover ng 124 PTV units para sa Eastern Visayas LGUs sa Ormoc City.
Ayon kay Marcos, bahagi ang rollout ng commitment ng kanyang administrasyon upang matiyak na bawat lalawigan, siyudad, at munisipalidad ay may access sa emergency medical transport.
Nakapag-deliver na ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), na nagpapatupad ng Medical Transport Vehicle Donation Program, ng 1,297 PTVs sa buong bansa, na sumasaklaw sa 75 porsyento ng lahat ng LGUs.
Ang mga ambulansya ay may stretchers, oxygen tanks, wheelchairs, first aid kits, blood pressure monitors, at medicine cabinets para sa ligtas at mabilis na pagbiyahe ng mga pasyente, lalo na sa malalayong komunidad.