Dapat kasuhan at papanagutin ang empleyado ng Senado na mapatutunayang gumamit ng marijuana sa loob ng kanilang gusali.
Ito ang binigyang-diin ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa kasabay ng paalala na ipinagbabawal sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang paggamit ng marijuana.
Sinabi pa ni dela Rosa na silang mga senador ang gumagawa at bumabalangkas ng mga batas, kaya’t hindi maganda na mayroong mga lalabag sa batas sa kanilang institusyon.
Nilinaw naman ni dela Rosa na wala siyang alam kung may katotohanan ang mga lumabas na impormasyon kaugnay sa paggamit ng staff ni Senador Robin Padilla ng naturang ipinagbabawal na gamot.
Binigyang-diin niya na kanya-kanya rin naman ang polisiya at pag-aalaga ng mga senador sa kani-kanilang staff kahit sila ay magkaalayado.
Pabor si dela Rosa na magsagawa ng random drug test sa Senado upang matiyak na drug-free ang kanilang workplace.
Samantala, nilinaw ni Atty. Rudolf Jurado, chief of staff ni Padilla, na naka-leave lamang si Nadia Montenegro at hindi nag-resign, subalit binigyan siya hanggang Martes upang magsumite ng written explanation kaugnay sa insidenteng ikinakabit sa kanya.