Pinagpapaliwanag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang St. Timothy Construction Corporation kaugnay ng palyadong flood control project sa Calumpit, Bulacan.
Kasunod ito ng site inspection ng Pangulo sa rehabilitasyon ng river protection structure, matapos ang rebelasyong noong Lunes na ang Bulacan ang may pinakamaraming flood control projects sa bansa, na umaabot sa 668.
Galit na sinabi ni Marcos na mas mainam na personal na magtungo sa lugar ang St. Timothy upang ipaliwanag kung bakit ganito ang ginawa ng kumpanya at makita mismo ang hirap na idinulot sa mga residente.
Hindi makapaniwala ang Pangulo na taon na ang itinakbo ng proyekto ngunit nananatiling hindi maayos, at hindi rin niya maisip ang posibleng dahilan sa umano’y pagpapabaya ng kontratista.
Nadiskubre rin ng Pangulo na walang isinagawang dredging o desiltation sa lugar bilang bahagi ng flood control project.