dzme1530.ph

PAGCOR, aminadong walang magawa sa illegal online gambling sa bansa

Loading

Aminado ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na wala silang magawa kaugnay ng mga ilegal na online gambling sa bansa.

Sinabi ni PAGCOR Chairman Alejandro Tengco na buwan-buwan ay nakakatanggap sila ng 2,000 reklamo kaugnay sa online gambling, kung saan 1,200 o 60% ay tumutukoy sa illegal operators, ngunit wala silang magawa para rito.

Kadalasang reklamo laban sa mga illegal online gambling ay hindi pagbabayad sa player o pandaraya.

Paliwanag ni Tengco, hindi saklaw ng kanilang mandato ang mga illegal online gambling. Ang tanging magagawa nila ay makipag-ugnayan sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at sa National Telecommunications Commission (NTC) upang habulin ang mga illegal operator.

Inamin din ni Tengco na tiyak bababa ang kita kapag inalis ang link ng online gambling sa mga e-wallet, ngunit handa umano ang PAGCOR na tumalima at ipatupad ang pag-delink batay sa ilalabas na regulasyon ng BSP.

About The Author