Hindi sapat para sa mga senador na i-takedown lamang o ipatanggal ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang link ng mga online gambling site sa mga e-wallet platform.
Ito ang iginiit ni Senate Committee on Games and Amusement Chairman Erwin Tulfo, na nagsabing kailangang itigil na rin ang paggamit ng e-wallet sa lahat ng online gambling platform.
Sa ganitong paraan, aniya, hindi na magiging madali ang pagtaya o pagsusugal ng mga Pilipino at mapipilitan silang magtungo sa pay stations.
Kinatigan ito ni Sen. Sherwin Gatchalian, na inihalimbawa ang ilegal na online gambling site na 1xBet na nakalink pa rin sa e-wallet.
Samantala, sinabi ni PAGCOR Chairman Al Tengco na bukas sila sa ideya na payagan na lamang ang manual na pagtaya sa mga betting station para sa online gambling, tulad ng ginagawa sa horse racing, bagama’t aminado siyang posibleng bumaba ang kita ng gobyerno.
Nakwestyun din ni Sen. Juan Miguel Zubiri ang pagpapahintulot sa pag-link ng online loan apps sa online gambling, kaya marami ang nangungutang para makapag-online sugal, at kapag hindi makabayad ay tinatakot at ipinapahiya ng loan apps.
Ayon kay BSP Deputy Governor Mamerto Tangonan, ang Securities and Exchange Commission (SEC) ang nagre-regulate sa online apps, habang ang saklaw ng BSP ay ang mga financial institution tulad ng mga bangko.
Tiniyak naman ng GCash na susunod sila sa utos ng BSP na alisin ang link ng kanilang payment app sa mga online gambling platform.