Pormal nang nilagdaan ang Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng TESDA at Manila Hotel para sa kauna-unahang Enterprise-Based Education & Training (EBET) program sa sektor ng turismo, alinsunod sa EBET Law (RA 12063) na binanggit ni Pangulong Marcos Jr. sa kanyang SONA.
Layunin ng programa na bigyan ang mga Pilipino ng napapanahon at de-kalidad na kasanayan para sa trabaho sa hotel at turismo, kung saan ang Manila Hotel ang magiging pangunahing training ground para sa mga nagnanais maging hotelier at hospitality professional.
Bilang bahagi ng kasunduan, iginawad ng TESDA ang Certificates of TVET Program Registration sa Manila Hotel para sa mga programang rehistrado sa ilalim ng EBET scheme.
Inaasahan na mas maraming trained professionals ang mabubuo, na magdudulot ng mas mataas na kalidad ng serbisyo at paglago ng ekonomiya.
Kasabay nito, pinapalakas din ng TESDA at Department of Migrant Workers (DMW) ang skills development programs para sa mga Overseas Filipino Workers (OFW), lalo na ang mga nagbabalik-bayan.
Kabilang sa mga serbisyong inaalok ang libreng Skills Assessment, Skills Accreditation, Retraining, OFW-RISE (Entrepreneurship), at TESDA Online Program (TOP), na layong tulungan ang mga OFW na magkaroon ng mas magandang trabaho o negosyo para sa mas maunlad na kinabukasan.