Tumaas sa 43% ang food poverty sa Pilipinas mula Abril hanggang Hulyo 2025, ayon sa pinakabagong datos ng OCTA Research.
Katumbas ito ng tinatayang 11.3 milyong pamilya na hirap makakuha ng sapat at masustansiyang pagkain.
Batay sa July 2025 Tugon ng Masa survey, mas mataas ito ng walong puntos kumpara sa 35% noong Abril.
Bagama’t nanatili ang kabuuang poverty rate, lumalala umano ang food insecurity dahil sa pagtaas ng presyo ng pagkain, pagbaba ng purchasing power, at limitadong access sa social assistance.
Pinakamataas ang food poverty sa Mindanao (68%), sinundan ng Visayas (50%), Luzon (34%), at pinakamababa sa National Capital Region (17%).
Ayon sa OCTA, kailangan ng isang pamilyang kabilang sa food-poor sector ng humigit-kumulang ₱10,000 kada buwan upang makaalis sa food poverty.