dzme1530.ph

KWF hinimok ang mga magulang na ituro sa mga anak ang Filipino at katutubong wika

Loading

Nanawagan ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa mga magulang na hikayatin ang kanilang mga anak na gumamit ng wikang Filipino at iba pang katutubong wika.

Sa gitna ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika ngayong Agosto, sinabi ni newly appointed KWF Commissioner Atty. Marites Barrios-Taran na mahalagang mabigyan ng espasyo sa araw-araw na komunikasyon ang Filipino at lokal na wika upang hindi ito tuluyang maglaho.

Binigyang-diin nito na namamatay ang isang wika kapag hindi na ito nagagamit.

Batay sa 2014 Language Validation ng KWF, may 130 wika sa Pilipinas at 40 rito ang itinuturing na endangered o nanganganib mawala.

Upang mapreserba ang mga ito, ipinatutupad ng KWF ang mga programang gaya ng Bahay-Wika, na nagtuturo sa mga batang edad 2 hanggang 4 ng kanilang katutubong wika sa tulong ng elder speakers at ang Master-Apprentice Language Learning Program na nagpapaabot ng katutubong wika sa mas nakababatang henerasyon.

Nakikipagtulungan ang KWF sa mga lokal na pamahalaan, pribadong sektor, at mga komunidad upang mapanatili ang mga proyekto at palakasin ang pang-araw-araw na paggamit ng sariling wika.

About The Author