dzme1530.ph

Problema sa kakulangan ng classrooms, posibleng abutin pa ng limang administrasyon

Loading

Posibleng abutin ng limang administrasyon bago tuluyang maresolba ang problema sa kakulangan ng silid-aralan kung hindi bibilisan ng gobyerno ang kilos nito.

Ito ang babala ni Senate Committee on Basic Education Chairman Bam Aquino makaraang tukuyin na umaabot sa 165,000 ang kakulangan ng classrooms sa bansa.

Sinabi ni Aquino na dahil sa kakulangan ng silid-aralan, may mga klase na doble ang bilang ng estudyante at may mga paaralan na dalawa hanggang tatlo ang shifts.

Katunayan, sa ulat ng Department of Education, nasa 5.1 million na estudyante ang tinatawag na aisle learners o pinagdaragdag ng upuan sa gitna ng classroom dahil siksikan.

Nagtataka rin si Aquino kung bakit magkakaiba ang presyo ng classroom at ang tagal ng konstruksyon.

Kapag ang DepEd at DPWH anya ang nagpagawa, P2.5 million hanggang P3.8 million ang presyo at inaabot ng maraming taon ang paggawa.

Kapag LGU at pribadong sektor, P1.5 million hanggang P2 million ang silid-aralan na nagagawa sa loob ng isang taon.

Ipinaalala ni Aquino na kapag nalustay ang pera para sa mga classrooms, hindi lamang ang pondo ang nananakaw kundi ang pangarap ng bawat kabataan at pamilya.

About The Author