Iminungkahi ni Davao City Rep. Isidro Ungab kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagbuo ng isang independent body na magsisiyasat sa umano’y katiwalian sa mga flood control project ng pamahalaan.
Ayon kay Ungab, maaari itong pamunuan ng Office of the Ombudsman o ng Commission on Audit (COA).
Iminungkahi rin nitong pag-aralan ang modelo ng anti-corruption bodies sa ibang bansa, tulad ng Independent Commission Against Corruption ng Hong Kong at Corrupt Practices Investigation Bureau ng Singapore, na nagsasagawa ng imbestigasyon nang walang bahid ng politika.
Ang suhestiyon ay ginawa kasunod ng pagsasapubliko ng Pangulo sa 15 contractors na umano’y nakakopo ng halos lahat ng flood control project sa bansa.
Samantala, inaasahan ang imbestigasyon ng House Tri-Committee kaugnay ng isyu, kung saan balak imbitahan sina Sen. Panfilo Lacson at Baguio City Mayor Benjamin Magalong, na kapwa may inilabas na impormasyon hinggil sa tinaguriang “Cong-Tractors.”
Gayunman, nagpahayag ng pag-aalinlangan si Ungab sa magiging kredibilidad ng imbestigasyon kung mga kapwa kongresista rin ang magsasagawa nito, lalo na’t may kasamahan sa Kamara na umano’y sangkot sa anomalya.
Tiyak na hindi umano maniniwala dito ang publiko dahil lilitaw na “drama lamang o sarzuela” ang imbestigasyon.