“Huwag naman sana itong maging lista lang sa tubig.”
Nagpaalala si Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima na hindi dapat mauwi lamang sa paglalabas ng listahan ang inisyatiba ng administrasyon kaugnay ng “Sumbong sa Pangulo” website hinggil sa mga top 15 contractors ng flood control projects ng pamahalaan.
Bagama’t kinilala ni De Lima na makatutulong ang naturang website, iginiit nitong nasa Pangulo ang kapangyarihan upang pagsabihan at papanagutin ang mga sangkot sa anomalya.
Giit ng mambabatas, lahat ng nagkamal ng yaman, gumamit ng proyekto para sa pansariling interes, at nagdulot ng panganib o kapahamakan sa maraming Pilipino ay hindi lamang dapat isumbong at ilista, kundi dapat pagbayarin at panagutin sa kanilang kawalang-hiyaan sa taumbayan.