Pumalag ang China sa sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kailangang ma-involve ang Pilipinas, sakaling sumiklab ang full-scale war sa pagitan ng U.S. at China bunsod ng posibleng pagsalakay sa Taiwan.
Sa statement, binigyang diin ni Chinese Foreign Ministry spokesperson Guo Jiakun na ang Taiwan ay “inalienable part” ng China, at ang usapin tungkol sa Taiwan ay para lamang sa mga Chinese, at hindi dapat panghimusukan.
Muli ring iginiit ng China na ang Taiwan ay bahagi ng kanilang teritoryo, kasabay ng babala na gagamit sila ng puwersa para maibalik ito sa ilalim ng kanilang kontrol.
Sa panayam kay Pangulong Marcos sa sidelines ng kanyang state visit sa India, sinabi nito na hindi maiiwasan na hindi masangkot ang Pilipinas, para protektahan ang bansa, pati na ang mga Pilipino na naninirahan sa Taiwan.
Ipinaalala ng Chinese official kay Pangulong Marcos na committed ang Pilipinas sa pagtatalima sa “One-China Policy.”