dzme1530.ph

Impeachment case laban kay VP Sara, mahirap i-revive kahit magbago ang ruling ng SC

Loading

Nagpahiwatig si Sen. Panfilo Lacson na mahirap i-revive ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte kahit magbago ang ruling ng Korte Suprema.

Ito ay dahil mas pinili ng mayorya ng mga senador na i-archive ang kaso sa halip na ipagpaliban muna ang pag-aksyon habang wala pang pinal na desisyon ang mga mahistrado.

Ipinaliwanag ni Lacson na dahil naka-archive, mangangailangan muli ng pagtalakay, pagdebate at boto ng mayorya bago muling buhayin ang kaso.

Hindi aniya ito katulad kung ipinagpaliban lamang ang aksyon ay madaling ibalik sa plenaryo para sa pagtalakay ang articles of impeachment.

Kasabay nito, hindi nawawalan si Lacson ng pag-asa na mapagbibigyan pa ng Supreme Court ang motion for reconsideration ng Kamara dahil pinagkokomento ang bise presidente.

Hindi aniya malayong may nakitang merito ang mga mahistrado sa argumento ng Solicitor General sa motion for reconsideration.

Idinagdag ni Lacson na kung speculative para kay Sen. Rodante Marcoleta ang posibilidad na babaligtarin ng Korte Suprema ang ruling ay ganito rin maituturing ang paniniwalang hindi na magbabago ang desisyon ng mga mahistrado.

About The Author