dzme1530.ph

Mga opisyal ng DPWH na may direktang kinalaman sa bumagsak na tulay sa Isabela, dapat papanagutin

Loading

Iginiit ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na dapat papanagutin ang mga opisyal ng Department of Public Works and Highways na nag-apruba at namahala sa pagtatayo ng Cabagan–Sta. Maria Bridge sa Isabela na nag-collapse at ginastusan ng ₱1.2-B.

Sinabi ni Estrada na hindi dapat ang driver ng trak na kasamang bumagsak sa tulay ang sisihin sa insidente kundi ang mga opisyal ng DPWH, pati ang designer na si Alberto Cañete at ang contractor na RD Interior Junior Construction (RDIJC).

Ipinunto ng senador na batay sa ulat ng DPWH, una nang nakitaan ng depekto ang tulay kaya isinailalim ito sa retrofitting na ginastusan ng gobyerno ng ₱400-M.

Sa pagtatanong ni Senador Rodante Marcoleta, tinukoy ni Estrada ang ilang opisyal ng DPWH na may direktang partisipasyon sa proyekto, na karamihan aniya ay nabigyan pa ng promosyon.

Kabilang sa mga ito sina Undersecretary Eugenio Pipo Jr., Undersecretary Ador Canlas, at Undersecretary Maria Catalina Cabral, kasama sina Assistant Secretary Nerie Bueno at Assistant Secretary Loreta Malaluan.

Nagtataka naman si Senadora Imee Marcos kung bakit hindi nabanggit ang mga opisyal sa isinumiteng report ng DPWH, kaya iginiit nitong dapat magsagawa ng imbestigasyon ang Senate Blue Ribbon Committee at tiyaking maisusumite ng ahensya ang lahat ng dokumento kaugnay ng proyekto.

Ang Cabagan–Sta. Maria Bridge ay wala pang isang buwang nagamit dahil binuksan ito noong Feb 1, 2025 at bumagsak noong Feb. 27, 2025.

About The Author