Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang paglulunsad ng Bayanihan sa Estero: Malinis na Estero, Pamayanang Protektado program sa Ilugin River o Buli Creek sa Barangay Pinagbuhatan, Pasig City ngayong araw.
Layon ng programa na paigtingin ang mga hakbang sa paglilinis ng pangunahing daluyan ng tubig sa Metro Manila, kabilang na ang pag-unclog sa drainage system, dredging ng mga estero, pagtanggal ng latak (silt) sa main drainage, at pag-aalis ng naipong solid waste.
Uumpisahan ang programa sa 23 estero sa Metro Manila na itinuturing na nangangailangan ng agarang interbensyon, batay sa epekto ng mga nagdaang kalamidad at dahil na rin sa pagiging flood-prone ng mga lugar na ito.
Kasama ni Pangulong Marcos sa paglulunsad sina Pasig City Mayor Vico Sotto, DILG Secretary Jonvic Remulla, DPWH Secretary Manuel Bonoan, at MMDA Chairman Romando Artes.
Sa kasalukuyan, may 237 na ilog, tributaries, esteros, at bukas na mga kanal ang natukoy na nagsisilbing pangunahing daluyan ng tubig-baha sa buong National Capital Region.