Iginiit ni Senate Committee on Culture and Arts Chairperson Loren Legarda ang kahalagahan ng pagpapalalim ng kamalayan ng bawat Pilipino sa kasaysayan at pinagmulan ng bansa.
Ayon kay Legarda, hindi lamang ito usapin ng kasarinlan bilang kalayaang kumilos, kundi ng kakayahang gawin ang tama para sa kapwa. Aniya, dapat isapuso ng bawat henerasyon na ang tunay na kalayaan ay may kaakibat na pananagutan at pagkilala sa ating pinagmulan bilang isang lahi.
Hinikayat din ng senador ang bawat mamamayan na pagyamanin ang kaalaman sa kasaysayan, kultura, at pambansang pagkakakilanlan upang makabuo ng isang lipunang may dangal, prinsipyo, at pananagutan.
Binanggit ni Legarda na hindi ganap ang kalayaan kung salat ang bayan sa kaalaman tungkol sa sariling kasaysayan.
Sa kanyang pahayag, inalala rin ng senador ang makasaysayang pagtitipon noong Agosto 1, 1898 sa Bahay na Tisa sa Bacoor, Cavite, kung saan mahigit 200 pinuno mula sa 16 na lalawigan ang dumalo. Sa okasyong ito, nilagdaan ni Pangulong Emilio Aguinaldo ang Acta de Independencia na isinulat ni Apolinario Mabini, na nagdeklara ng kalayaan ng Pilipinas mula sa pananakop ng mga dayuhan.