dzme1530.ph

Pagkakalipat ni BGen. Romeo Macapaz sa PRO-12, personal na kahilingan — PNP

Loading

Nilinaw ng PNP Spokesperson na si Brig. Gen. Jean Fajardo na ang pagkakalipat ni dating CIDG Director BGen. Romeo Macapaz sa Police Regional Office 12 ay bunga ng personal nitong kahilingan at hindi kaugnay ng isyu ng mga nawawalang sabungero.

Ito ay matapos lumutang ang mga espekulasyon na tinanggal umano si Macapaz sa puwesto dahil sa naturang kontrobersiya.

Paliwanag ni Fajardo, hiniling ni Macapaz na malipat sa pagiging Regional Director ng PRO-12 dahil ang posisyon ng CIDG director ay two-star rank. Ngunit dahil less than one year na lamang ito sa serbisyo bago ang mandatory retirement, wala na rin siyang inaasahang promosyon.

Aniya, “very unfair” para sa PNP ang mga paratang na may nag-utos kay PNP Chief Gen. Nicolas Torre III na sibakin si Macapaz, dahil walang sinuman ang puwedeng magdikta sa Chief PNP.

Dagdag pa ni Fajardo, makatutulong si Macapaz sa pagpapatatag ng seguridad sa rehiyon, lalo na sa nalalapit na BARMM elections, dahil sa kanyang malawak na karanasan bilang isang veteran intelligence officer.

Bahagi rin ng kanyang mandato sa Region 12 ang pagpapaigting ng kampanya kontra smuggling, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Tiniyak naman ng pambansang pulisya na ang kanilang mga hakbang ay nakaangkla sa adhikain ng organisasyon at sa direktiba ng pangulo na panatilihin ang kapayapaan at kaayusan sa buong bansa.

About The Author