dzme1530.ph

Konektadong Pinoy bill, banta sa Konstitusyon at seguridad

Loading

Nagpahayag ng seryosong pag-aalinlangan si dating Chief Justice Artemio Panganiban sa legalidad ng Konektadong Pinoy Bill (KPB) na bahagi ng isinusulong na digital transformation agenda ng pamahalaan.

Sa kaniyang kolum na inilathala noong July 21, sinabi ni Panganiban na ang Senate Bill No. 2103 ay “nobly aimed but constitutionally flawed.”

Binigyang-diin ng dating punong mahistrado ang posibleng paglabag ng panukala sa Section 17, Article XII ng 1987 Constitution. Sa ilalim nito, tanging sa panahon lamang ng national emergency maaaring pamunuan ng gobyerno ang operasyon ng mga pribadong negosyo na may kinalaman sa public interest.

Ayon kay Panganiban, pinapayagan ng KPB ang mga foreign-based data transmission operators na mag-operate sa Pilipinas kahit wala silang pisikal na imprastraktura o operasyon sa bansa, na aniya’y banta sa soberanya at seguridad lalo sa panahon ng emergency.

Tinukoy din ni Panganiban ang Section 14 ng panukala na umano’y nagbibigay ng labis na pabor sa mga satellite operators. Hindi na kasi nila kailangang makipagsosyo sa mga lokal na telco upang makakuha ng access sa broadband networks at radio spectrum.

Giit ni Panganiban, parehong serbisyo ang inihahatid ng satellite at terrestrial providers, kaya’t hindi makatarungan na may exemption ang una sa mga regulasyong dapat sundin ng lahat.

Taliwas din umano sa layunin ng technological neutrality ang ilang probisyon ng panukala tulad ng Section 19 na siyang idinedeklara ang technological neutrality ng KP bill kung saan ang mismong probisyon umano ang lumayo sa naturang misyon nito.

Bagamat kinikilala ni Panganiban ang pangangailangan para sa mas mabilis at abot-kayang internet, iginiit niyang dapat manatiling nakaangkla ang batas sa itinatadhana ng Konstitusyon.

Aniya, hamon sa mga mambabatas na maglayag sa mabilis na agos ng teknolohiya nang hindi nalilihis sa gabay ng konstitusyonal na kaayusan.

Bukod kay Panganiban, nagpahayag din ng pag-aalinlangan ang ilang telecommunications stakeholders sa panukala, partikular sa itinakdang dalawang taong compliance window na anila’y hindi sapat para makamit ang mga cybersecurity standards.

Sa kabila ng mga pangamba, nagpahayag ng kumpiyansa ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na maisasabatas ang Konektadong Pinoy Bill.

About The Author