Nakatuon ang pamahalaan sa pagpapabilis ng serbisyo sa publiko sa pamamagitan ng flagship super app na eGov PH, kung saan nakatakda itong magdagdag ng mga bagong feature.
Ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT), ilan sa mga ilalagay sa susunod na update ng app ay ang aplikasyon at renewal ng NBI clearance, integration ng Beep card para sa mga MRT at LRT commuters, at access sa electronic TIN o Taxpayer Identification Number mula sa Bureau of Internal Revenue.
Sa kasalukuyan, kabilang sa mga pangunahing serbisyo ng eGov PH app ang renewal ng driver’s license, access sa PhilHealth, Pag-IBIG, at GSIS services, pagproseso ng immigration at customs documents para sa mga OFW, pagkuha ng digital copy ng PhilSys National ID, at paglikha ng biodata para sa mga naghahanap ng trabaho, bukod pa sa iba pang serbisyo.
Sa kanyang State of the Nation Address noong Lunes, ibinida ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang natamong internasyonal na pagkilala ng eGov PH app, kabilang ang United Nations E-Government Award mula sa UN Department of Economic and Social Affairs.