Walang red carpet na inilatag para salubungin ang mga dadalo sa ika-4 na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ngayong taon, bilang pakikiisa sa mga nasalanta ng mga nagdaang bagyong Crising, Dante, Emong, at habagat. Ito ay matapos linawin ni Sen. Chiz Escudero na hindi na itutuloy ang orihinal na planong red carpet at photo booth, sa kabila ng naunang memo mula sa Kamara.
Samantala, sa panayam kay ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio sa North Wing ng Batasang Pambansa, inihayag niya ang inaasahan niyang pagtukoy ni Marcos Jr. sa isyu ng korapsyon at impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte. Ayon kay Tinio, hindi maaaring manahimik ang Pangulo sa usaping ito, lalo na’t may kinalaman ito sa umano’y iregular na paggamit ng confidential funds ng Department of Education.
Dagdag ni Tinio, bagama’t desisyon ng Pangulo kung babanggitin niya ang usapin ng impeachment sa kanyang talumpati, nananatiling setback ang ruling ng Supreme Court na idineklarang unconstitutional ang impeachment complaints laban kay VP Sara, na aniya’y hadlang sa pananagutin ang mga nasa likod ng iregularidad.