Nagbabala si Sen. Juan Miguel “Migz” Zubiri na posibleng mauwi sa contempt of court at maging sanhi ng constitutional crisis kung ipipilit ng Senado na ituloy ang pagtalakay sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, sa kabila ng naging ruling ng Korte Suprema.
Bukod dito, magdudulot din aniya ito ng dangerous precedent o mapanganib na halimbawa kung susuwayin ang isang unanimous en banc ruling ng Kataas-taasang Hukuman.
Ipinaliwanag ni Zubiri na ang pagbalewala sa desisyon ng Korte Suprema ay nangangahulugan ng pagsuway sa prinsipyo ng judicial review.
Magdudulot aniya ito ng panganib sa sistema ng checks and balances na siyang pundasyon ng demokrasya.
Pabor man o hindi sa desisyon, iginiit niyang dapat isaalang-alang na ang Korte Suprema ang final arbiter sa mga usaping konstitusyonal, kaya’t nararapat lamang na igalang ang kanilang ruling.