Nakaatang sa Kongreso ang pagpapatupad ng mga protocol at contingency plans para sa nalalapit na ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa darating na Lunes, Hulyo 28.
Ayon kay Office of the Civil Defense (OCD) Officer-in-Charge Raffy Alejandro, ang Kongreso ang may kapangyarihang magtakda ng mga panuntunan, lalo na kung magiging masama ang lagay ng panahon sa araw ng SONA.
Tiniyak ni Alejandro na katuwang ng OCD ang Philippine National Police (PNP) sa pagbibigay ng seguridad sa paligid ng Batasang Pambansa sa Quezon City.
Dagdag pa niya, magtutuloy-tuloy ang kanilang operasyon kahit pa magkaroon ng suspensyon ng klase at trabaho sa nasabing araw.
Matatandaang pansamantalang ipinahinto ni Pangulong Marcos ang paghahanda para sa SONA upang bigyang-priyoridad ang pagtulong sa mga mamamayang naapektuhan ng bagyo at habagat.