dzme1530.ph

DPWH Execs, kinuwestiyon sa pagkabigo ng Cabagan Bridge project

Loading

Kinukuwestiyon ngayon ang dalawang mataas na opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kaugnay ng umano’y pagkabigong kumpunihin at patibayin ang Sta. Maria–Cabagan Bridge sa Isabela, sa kabila ng matagal nilang panunungkulan at direktang ugnayan sa proyekto.

Si Undersecretary Eugenio Pipo Jr., na nagsilbing Assistant Secretary for Luzon Operations mula 2016 hanggang 2020, ay naitalaga bilang Undersecretary for Regional Operations noong 2022. Saklaw ng kanyang hurisdiksyon ang Cordillera Administrative Region, Rehiyon I, Rehiyon II, at ilang bahagi ng Mindanao.

Bilang Usec for Operations, siya ang direktang nangangasiwa sa mga proyektong imprastraktura sa mga nabanggit na rehiyon.

Kasama ni Pipo sa pamunuan si Undersecretary Ador Canlas, na nagsilbing kanyang Assistant Secretary mula 2022 hanggang 2023. Kalaunan, naitalaga rin si Canlas bilang Undersecretary for Technical Services, kung saan siya ang nag-apruba sa retrofitting design ng Cabagan Bridge.

Sa kabila ng mahabang panahon ng panunungkulan nina Pipo at Canlas sa Luzon, at ng kanilang direktang ugnayan sa proyekto ng tulay, nanatiling marupok ang estruktura at kalaunan ay bumagsak—isang insidenteng nagdulot ng pangamba sa kaligtasan ng publiko.

Ayon sa mga ulat, nagpadala umano ng imbitasyon sina Usec. Pipo at Usec. Canlas kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa inagurasyon ng Cabagan Bridge, subalit hindi ito nadaluhan ng Pangulo.

Gayunpaman, walang naitalang malinaw na aksyon o pag-usad sa pagsasaayos ng tulay sa loob ng pitong taon na nasa ilalim ng pamamahala ni Usec. Pipo ang proyekto. Maging ang retrofitting design na inaprubahan ni Usec. Canlas ay hindi rin naging sapat upang mapigilan ang pagbagsak ng estruktura.

Hanggang sa ngayon ay wala pang opisyal na pahayag mula kina Usec. Pipo at Usec. Canlas kaugnay ng mga alegasyong ito. Patuloy namang nananawagan ang publiko ng masusing imbestigasyon at pananagutan mula sa mga opisyal na may kinalaman sa insidente.

About The Author