Pinasalamatan at pinuri ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada si dating Senador Manny Pacquiao sa kanyang matapang na pagbabalik sa mundo ng boksing, matapos ang laban nito para sa WBC welterweight title.
Sa edad na 46, muli anyang pinatunayan ni Pacquiao ang kanyang pagiging alamat sa larangan ng boksing.
Bagama’t hindi niya nabawi ang titulo, ayon kay Estrada, ipinakita ni Pacquiao ang isang lebel ng husay at puso na bihirang makita kahit sa mga aktibong propesyonal na boksingero.
Malinaw anyang nakita na andun pa rin ang tatak Manny Pacquiao sa laban na ipinakita niya kabilang ang tibay, bilis, at tapang.
Muli rin anyang ipinaalala ng dating senador kung gaano kasarap maging Filipino partikular ang matawag na kababayan ang isang boxing icon.
Buong puso ring nagpaabot ng pagbati si Estrada kay Pacquiao, na kilala hindi lamang sa ring kundi maging anya sa kanyang paglilingkod bilang dating mambabatas.