dzme1530.ph

Isa pang panukala para sa total ban sa online gambling, inihain sa Senado

Loading

Isa na namang panukala ang inihain sa Senado na naglalayong ipagbawal ang lahat ng uri ng online gambling sa bansa.

Si Sen. Christopher “Bong” Go ang pinakabagong mambabatas na naghain ng panukalang batas na naglalayong tuluyang ipatigil ang operasyon, distribusyon, at mga advertisement ng online gambling, dahil sa masamang epekto nito sa mga Pilipino.

Ayon kay Go, hindi matutumbasan ng anumang kita mula sa online gambling ang malalim na “social cost” o negatibong epekto nito sa lipunan.

Aniya, kabilang sa pinaka-apektado ng sugal sa internet ay ang mga kabataan at mahihirap na Pilipino na umaasang makakawala sa kahirapan sa pamamagitan ng pagsusugal.

Sakaling maisabatas, ang panukala ay magpapataw ng parusa at kaukulang multa sa sinumang lalabag sa total ban sa online gambling.

Kasabay nito, muling nanawagan si Go sa publiko na iwasan ang sugal at ituon na lamang ang oras at lakas sa mas makabuluhang aktibidad tulad ng sports.

About The Author