Isinabak ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga barko nito sa ika-walong Maritime Cooperative Activity (MCA) ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at United States Indo-Pacific Command sa West Philippine Sea.
Tampok sa naturang pagsasanay ang PCG vessels na BRP Cabra at BRP Suluan.
Ayon sa AFP Public Affairs Office, layunin ng aktibidad na mapalakas ang interoperability ng Navy at Coast Guard sa maritime law enforcement.
Isinagawa ang pagsasanay mula sa karagatan ng Palauig, Zambales hanggang sa Cabra Island sa Occidental Mindoro, sa kabila ng presensiya ng dalawang Chinese People’s Liberation Army Navy (PLAN) warships at isang China Coast Guard vessel na namataan sa lugar.
Kasama ng Coast Guard sa pagsasanay ang pinakabagong bersyon ng BRP Miguel Malvar frigate, iba pang assets ng Philippine Navy, at mga yunit mula sa Philippine Air Force.
Samantala, lumahok din mula sa panig ng US ang USS Curtis Wilbur at isang P-8A Poseidon Maritime Patrol Aircraft.
Ayon kay BRP Miguel Malvar Operations Officer Lt. Commander Bryan Magura, namataan man ang mga barko ng China sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa, wala naman umanong ginawa ang mga ito na direktang panghaharang o interference sa aktibidad.