Pormal nang pinaiimbestigahan sa Kamara ang kaso ng mga nawawalang sabungero.
Sa pamamagitan ng House Resolution No. 53, inihain ni Manila 6th District Representative Benny Abante Jr. ang panawagan para sa masusing imbestigasyon sa serye ng pagdukot at pagkawala ng mga sabungero mula 2021 hanggang 2022, kung saan naitala ang 34 na kaso.
Ngunit ayon sa whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan, alyas “Totoy,” mahigit 100 katao umano ang naipadukot.
Direkta rin nitong itinuro si Charlie “Atong” Ang, o Charlie Tiu Hay Sy Ang, bilang mastermind sa umano’y pagdukot at pagpatay sa mga sabungero, na aniya’y itinapon sa Taal Lake.
Ayon kay Patidongan, ilan sa mga biktima ay dinukot sa loob mismo ng Manila Arena sa Sta. Ana, Maynila—isang sabungan na pinatatakbo ng Lucky 8 Star Quest, Inc., kung saan majority stockholder si Ang.
Para kay Abante, ang kaso ng ‘missing sabungeros’ ay isang modern-day horror story. Aniya, hindi na ito simpleng bisyo kundi karahasang kung saan basta na lamang itinatapon sa lawa ang mga tao.
Giit pa ng kongresista, kahit pa may kinikita ang gobyerno mula sa industriya ng sabong, hindi ito matutumbasan ng buhay ng mga biktima.