Isinusulong ni Sen. Panfilo Lacson ang panukalang naglalayong obligahin ang mga anak na suportahan at alagaan ang kanilang mga magulang, lalo na kung may sakit, may edad na, o wala nang kakayahang maghanapbuhay.
Sa kanyang proposed Parents Welfare Act, maaaring kasuhan ang anak na tumangging magbigay ng suporta nang walang sapat na dahilan.
Ayon sa panukala, kapag tatlong buwang hindi nagbibigay ng suporta sa kabila ng atas ng korte, maaaring makulong ang anak ng isa hanggang anim na buwan at pagmultahin ng ₱100,000.
Samantala, haharap sa anim hanggang 10 taong pagkakakulong at multang ₱300,000 ang mga anak na tuluyang mang-aabandona o tatalikod sa kanilang magulang.
Nakasaad din sa panukala ang pagtatayo ng old age home sa bawat lalawigan at malalaking lungsod.
Giit ni Lacson, bagamat kilala ang mga Pilipino sa pagiging malapit sa pamilya at malinaw ang obligasyon sa ilalim ng Family Code, may mga kaso pa rin ng pagpapabaya sa nakatatanda.