dzme1530.ph

Aksyon ng gobyerno sa panawagang higpitan ang regulasyon sa online gambling, ikinagagalak ng ilang senador

Loading

Ikinagagalak ng ilang senador ang aksyon ng pamahalaan kaugnay sa regulasyon ng online gambling.

Ayon kay Sen. Pia Cayetano, kapuri-puri ang utos ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center sa mga content creators na i-takedown ang kanilang online posts na nagpo-promote ng iligal na online gambling.

Ikinatuwa rin niya ang direktiba ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na ipabaklas ang lahat ng gambling-related billboards.

Samantala, natuwa si Sen. Sherwin Gatchalian sa pagsusulong ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na magtakda ang mga digital payment platforms ng daily limit, time limit, at biometric verification para sa online gambling transactions.

Binigyang-diin din nina Sen. JV Ejercito at Sen. Risa Hontiveros ang pangangailangan na higpitan ng mga e-wallet o online payment platforms ang gamit ng kanilang serbisyo sa online gambling.

Ani Ejercito, ang e-wallet ay ginawa upang padaliin ang buhay ng mga Filipino, hindi upang maging daan sa sugal at pagkakautang.

Una nang naghain sina Gatchalian at Hontiveros ng mga panukala na naglalayong palakasin ang regulasyon sa online gambling, habang ang iba pang senador ay nagtutulak ng total ban.

About The Author