Naranasan ng mga residente ng Distrito 3 sa Maynila ang mahigit siyam na oras na brownout nitong Linggo, July 13, mula alas-8 ng gabi hanggang 4:20 kaninang madaling araw.
Kabilang sa mga apektadong barangay ang 310, 311, 312, 313, at iba pa.
Ayon sa mga contractor ng Meralco, nagsagawa sila ng reconductoring o pagpapalit ng lumang kable sa mga poste bilang bahagi ng pagsasaayos at pagpapabuti ng serbisyo.
Bagama’t batid ng mga residente ang kahalagahan ng proyekto, umalma sila sa pagsasagawa nito sa dis-oras ng gabi, na anila’y nakaapekto sa mga estudyanteng may klase kinabukasan.
Marami sa mga mag-aaral ng Cayetano Arellano High School ang hindi nakapasok sa klase, dahilan din ng pagkadismaya ng ilang guro.
Dahil dito, nanawagan ang mga residente sa Meralco na isaalang-alang ang oras ng kanilang maintenance activities sa susunod, upang maiwasan ang pagkaantala sa pag-aaral at pamamahinga ng mga residente.