Nakauwi na sa bansa ang natitirang labing-isang Filipino seafarers ng MV Magic Seas, na siyang kumumpleto sa repatriation ng lahat ng labimpitong Pinoy na lulan ng barkong inatake ng Houthi rebels sa Red Sea.
Binigyan sila ng health checks at training vouchers mula sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) nang dumating sila sa Pilipinas noong Sabado ng gabi.
Sinabi ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na makatatanggap din ang seafarers ng agarang financial assistance, reintegration services, medical check-ups, at psychological counseling.
Una nang dumating sa bansa ang anim na Pinoy seafarers noong Biyernes.
July 6 nang atakihin ng Houthi rebels ang MV Magic Seas, subalit natakasan ito ng Filipino seafarers, kasama ang Vietnamese at Romanian crew members.